Paglimot
Hindi lahat ng pangyayari at nararamdaman ay kailangang maalala...may mga bagay na sadyang dapat kalimutan sapagkat sila'y balakid lamang. Ibabaon kita sa limot. Sa bagtas ng buhay ika'y iiwan ko. Sapat na ang luhang tumulo. Sapat na rin ang pighating dinanas ng puso. Lilipad ako patungo sa aking mga pangarap...sa mga pangarap na minsan ko nang inasam na maging bahagi ka. Subalit ngayo'y batid ko na. Tatahakin ko ang pag-unlad ng mag-isa. Babaybayin ko ang kalawakan ng aking mga panaginip hanggang sa sila ay maging pawang katotohanan na. Hindi ako bibitiw. Hindi ko isusuko ang matapang kong pagharap sa mundo para lamang makulong ako sa anino mo. Humayo ka at ako'y aalis rin. Huwag kang lilingon, huwag na rin mag-paalam. Tiyak kong gagawa ka rin ng sarili mong pangalan. Tiyak kong sa maririnig mo rin ang musika ng tugatog ng tagumpay. Sa ganang akin naman ay kapanatagan. Pag-unlad din ang patutunguhan. At sa panahong, nasa palad mo ang mga minimithi ng iyong puso...hayaan mong ibulong ko sa iyo..."ikaw pa rin ang laman ng puso".
...
...
Comments